-- ADVERTISEMENT --

Isiniwalat ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo ang umano’y pagbibigay ng komisyon sa ilang mambabatas mula sa mga proyekto ng flood control.

Ginawa niya ito sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Huwebes ng umaga.

Ayon kay Bernardo, naghatid siya ng 20% mula sa P800 milyon, katumbas ng humigit-kumulang P160 milyon kay Meynardo, na aniya’y para kay Senador Chiz Escudero.

Bukod kay Escudero, binanggit din niya sina dating Senador Bong Revilla, Senador Nancy Binay, at Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co bilang mga sangkot sa umano’y anomalya.

Sa parehong pagdinig, tahasang inamin ni Bernardo ang kanyang pagkakasangkot sa mga iregularidad sa ilang proyekto ng flood control.

-- ADVERTISEMENT --

“Ako po ay umaamin sa aking mali nagawa… Taos puso at puno ng pagsisisi na ako ay humihingi ng kapatawaran,” ani Bernardo. Dagdag pa niya, handa siyang gawin ang lahat upang maitama ang kanyang pagkakamali at maiwasan ang pag-uulit nito.

Matapos ang kanyang pag-amin, naghain si Bernardo ng aplikasyon sa Witness Protection Program ng Department of Justice. Hiniling ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa komite na payagan siyang dalhin si Bernardo sa DOJ para sa masusing pagsusuri ng kanyang testimonya, na agad namang pinayagan ng komite.