Nais ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na patawan ng parusa ang sinumang gagamit ng artificial intelligence (AI) sa maling paraan, partikular sa pagpapakalat ng maling impormasyon, paninira sa pangalan ng ibang tao, at pagpapalaganap ng mga mapanlinlang na investment scheme para sa pansariling kita.
Sa ilalim ng kanyang inihaing Senate Bill No. 782 o ang Physical Identity Protection Act, ang sinumang gagawa, mag-generate, magpo-produce, magpapalaganap, o maglabas ng anumang AI-generated na content na gumagamit ng pisikal na anyo o imahe ng isang tao nang walang pahintulot ay papatawan ng kasong kriminal.
Dagdag ng senador, kung hindi ito maagapan, mas marami pang indibidwal ang magiging biktima ng ganitong uri ng panlilinlang.
Inihalimbaw ni Escudero ang ilang mga nabibiktimang politiko pati na ang mga malalaking negosyante na tila may tinutulak na produkto o investment na hindi mawari kung lehitimo.
Ginagamit lang pala aniya ang imahe nila sa pamamagitan ng AI na walang anumang pahintulot galing sa kanila.
Ang panukala ay naglalayong magtakda ng mga sumusunod na parusa:
- – Kulong na 1 hanggang 2 taon o multang hindi lalampas sa ₱200,000, o pareho, sa sinumang gumawa, nag-generate, o nagbahagi ng content na gumagamit ng pisikal na anyo ng isang tao nang walang pahintulot o legal na batayan
- – Kulong na 2 hanggang 4 na taon o multang ₱200,000 hanggang ₱400,000, o pareho, kung ang layunin ng content ay para sa financial gain o profit.
- – Kulong na 4 hanggang 6 na taon o multang ₱400,000 hanggang ₱600,000, o pareho, kung ang content ay may layuning makapanlinlang o makagawa ng krimen.
- – Kulong na hanggang 12 taon o multang ₱600,000 hanggang ₱1 milyon, o pareho, kung ang content ay parehong ginagamit para sa kita at panlilinlang o krimen.
- – Kung ang lumabag ay isang opisyal o empleyado ng pamahalaan, bukod sa maximum na parusa, ay papatawan pa ng habambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno.
May mga nakasaad din na exemption sa panukala, partikular kung ang paggamit ng pisikal na anyo ng isang tao ay ginawa nang may mabuting layunin, tulad ng makatotohanang pag-uulat o dokumentasyon sa mga isyung may kinalaman sa pampublikong interes.