Inaprubahan na ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang pagpapalabas ng subpoena laban sa limang kontratista at tatlong opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) upang pilitin silang dumalo sa pagdinig sa Setyembre 8 kaugnay ng mga iregularidad sa flood control projects sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Alinsunod ito sa rekomendasyon ni Senate Bue Ribbon Committee Chairman Senador Rodante Marcoleta, kung saan nilagdaan ng liderato ng Senado ang mga subpoena ad testificandum para sa mga sumusunod:
- Darcy Kimel D.J. Respicio, general manager ng Darcy & Anna Builders and Trading;
- Sally N. Santos, may-ari/manager ng SYMS Construction Trading;
- Pacifico F. Discaya II, authorized managing officer ng Alpha and Omega Gen. Contractor & Development Corporation;
- Maritoni P. Melegrito, authorized managing officer ng Elite General Contractor and Development Corporation;
- Edgardo Saggum, may-ari/manager ng Eddmari Construction and Trading;
- Engr. Jaypee D. Mendoza, hepe ng construction division, Bulacan 1st District Engineering Office, DPWH;
- Engr. Brice Ericson D. Hernandez, dating assistant district engineer, Bulacan 1st District Engineering Office, DPWH; at
- Engr. Juanito C. Mendoza, accountant III, Bulacan 1st District Engineering Office, DPWH.
Inaprubahan din ni Escudero ang subpoena na nakapangalan kay Commission on Audit (COA) Chairman Gamaliel Cordoba para sa pagsusumite ng fraud audit highlights ng ahensya kaugnay ng kanilang pagrepaso sa mga flood control projects ng DPWH, kasama ang mga tugon ng mga respondent sa nasabing mga natuklasan.
Noong Lunes ay sinimulan ng Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon sa iba’t ibang flood control projects na umano’y mababa ang kalidad o hindi naman talaga naisakatuparan.