Mariing itinanggi ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang alegasyon ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo sa isinagawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kanina, hinggil sa umano’y “15% commitment” na para raw sa Office of the Executive Secretary.
Batay sa sinumpaang salaysay ni Bernardo sa Senado, nabanggit nito na noong 2024, tinawagan daw sya ni DepEd Undersecretary Trygve Olaivar, para sa isang pagpupulong kaugnay ng Unprogrammed Appropriations na umano’y para sa Office of the Executive Secretary.
Sa naturang pagpupulong ay hiningi raw ang listahan ng mga proyekto.
Sa isang statement, sinabi ni Bersamin na walang katotohanan ang pahayag dahil hindi nakikialam ang Office of the Executive Secretary sa anumang usapin na may kinalaman sa budgetary allocations ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Nilinaw rin nya na walang transaksyon o ugnayan ang OES kay Bernardo, maging kay Usec. Olaivar, na una na ring tumanggi sa parehong paratang.
Binigyang-diin ni Bersamin na nananatiling malinis ang kanyang record bilang matagal nang naglilingkod sa pamahalaan, una bilang career judicial officer at ngayon bilang Executive Secretary.