Halos magmakaawa umano sa pamilya si Chief Presidential Legal Counsel at dating Senate President Juan Ponce Enrile na makauwi upang hindi gugulin ang kanyang huling mga araw sa ospital.
Si Enrile ay 101 taong gulang na at kasalukuyang nasa intensive care unit (ICU) dahil sa sakit na pneumonia.
Ayon kay dating Senador Gregorio “Gringo” Honasan, patuloy na binabantayan ng kaniyang pamilya at mga doktor ang dating pinuno ng Senado.
Sinabi naman ng anak nitong si Katrina Ponce Enrile, hindi maganda ang lagay ng dating Senate President at nananatiling kritikal ang kondisyon.
Noong Martes, ibinahagi ni Sen. Jinggoy Estrada sa sesyon ng Senado na may “slim chances of surviving” si Enrile, dahilan upang mag-alay ng panalangin ang mga senador para sa kanya.
Kilala si Enrile bilang isa sa may pinakamahabang panahon ng paninilbihan sa gobyerno, mula sa pagiging Defense Minister noong Martial Law hanggang sa pagiging Senate President at kalaunan ay Chief Presidential Legal Counsel ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.











