Naaresto sa isinagawang entrapment operation ang isang empleyado ng City Planning and Development Office matapos ireklamo ng robbery-extortion.
Naganap ang insidente sa Olongapo City.
Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), magbubukas sana ng dental clinic ang babaeng biktima at nagtungo siya sa nasabing opisina, kung saan hiningan siya ng dalawang empleyado ng halagang ₱98,100 kapalit ng zoning, locational, at occupancy permits.
Sa isinagawang entrapment operation, nahuli sa aktong tumatanggap ng pera ang isa sa mga suspek, habang ang pangalawang suspek ay wala sa lugar nang isagawa ang operasyon.
Depensa ng nahuling suspek, tinutulungan lang umano niya ang biktima at ang nasabing halaga ay isang “quotation” lamang para sa lahat ng babayaran.
Nilinaw naman ng mga otoridad na walang kapangyarihan ang nasabing empleyado na tumanggap ng bayad para sa ganitong uri ng transaksyon.
Sasampahan ang mga suspek ng kaso sa paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) at Republic Act 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees).