Tumanggi si Senador JV Ejercito at Raffy Tulfo na pamunuan ang Senate Blue Ribbon Committee na nag-iimbestiga sa umano’y korapsyon sa flood control projects.
Ito ay matapos magbitiw ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson bunsod ng mga alegasyon at pagkadismaya ng ilang senador sa direksiyon ng imbestigasyon ng komite.
Ayon kay Tulfo, bagama’t nalugod daw siya na kabilang ang kanyang pangalan na ikinokonsidera, hindi niya raw matatanggap na pamunuan ito dahil ayaw niya raw na mawala ang kanyang pokus sa tatlong hawak niyang committee chairmanship.
Para naman kay Ejercito, bagama’t nagpapasalamat siya sa tiwala ng kanyang mga kasamahan sa Senado, mas pinili niyang tumanggi dahil aniya’y mas maraming senador ang mas may kakayahang mamuno sa naturang komite.
Dagdag ni Ejercito, sinabi niya mismo kay Senate President Vicente Sotto III na mas mabuting ibang senador na lamang ang italaga sa posisyon.
Umaasa naman ang senador na pag-iisipang muli ni Senador Lacson ang kanyang pagbibitiw dahil nagkaliwanagan naman na aniya sa mga isyung pinagmulan ng kanyang desisyon.
Tiniyak din ni Ejercito na walang samaan ng loob sa pagitan ng mga senador hinggil sa usapin.