-- ADVERTISEMENT --

Inanunsyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagtaas ng alokasyon ng pondo para sa Supplementary Feeding Program (SFP), na naglalayong mapabuti ang kalusugan at nutrisyon ng mga batang naka-enroll sa Child Development Centers (CDC) at Supervised Neighborhood Play (SNP). Sa pamamagitan ng feeding sessions, naghahain ng gatas at masusustansiyang mainit na pagkain sa mga bata.

Itinaas sa P9.26 bilyon ang badyet para sa Supplementary Feeding Program sa taong 2026, mula sa P5 bilyon na alokasyon noong 2025.

Pinalawig din ang tagal ng programa, kung saan ang daily feeding sessions ay mula sa dating 120 araw, ngayon ay 180 araw na.

Dagdag pa rito, sa mga lalawigang may mataas na insidente ng kahirapan, tumaas ang bilang ng mga sakop na Child Development Centers mula 5,284 noong 2025 tungo sa 7,824 ngayong 2026, upang mas maraming komunidad sa malalayong lugar ang maabot ng serbisyo.

Patuloy namang nakikipag-ugnayan at nakikipagtulungan ang DSWD sa pangunguna ni Sec. Rex Gatchalian sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng Supplementary Feeding Program sa buong bansa.

-- ADVERTISEMENT --