Sumampa na sa ₱116 milyon ang tulong na naibigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga residente na naapektuhan ng ulan at baha dahil kay Bagyong Tino.
Kabilang sa mga pangunahing tulong na ito ang family food packs na ipinamahagi sa mga biktima, lalo na sa mga pamilyang lumikas.
Ayon sa pinakahuling datos ng DSWD, umabot na sa 191,526 na kahon ng family food packs (FFPs) ang naipadala bilang sagot sa hiling ng tulong ng mga lokal na pamahalaan sa siyam na rehiyon na apektado.
Nagpadala rin sila ng 1,961 na kahon ng ready-to-eat food (RTEF) bukod pa sa mga non-food items, modular tents, at sleeping kits.
Sinabi rin ng ahensya na inihahanda na nila ang emergency cash assistance para sa mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad.
Patuloy ang pagtatrabaho ng DSWD dahil mahigit 600,000 pamilya o dalawang milyong indibidwal na ang apektado ng Bagyong Tino.
Sa bilang na ito, nasa 133,000 pamilya ang nananatili sa mahigit 5,000 evacuation centers.











