Nagbabala si Deputy Speaker Ronnie Puno nitong Lunes na tila may planong paninira laban kay dating Speaker Martin Romualdez, kasabay ng paglabas ng mga ulat na inuugnay ang kongresista ng Leyte sa isyu ng mga kontrobersyal na farm-to-market roads (FMR).
Ayon kay Puno, hindi tama ang timing ng mga paratang lalo’t nakatakda nang humarap si Romualdez sa Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Giit niya, may mga taong nagtuturo sa iba para makaiwas sa pananagutan.
“May scapegoating na nangyayari. May nagtuturo ng sisi sa iba para makaligtas. Ang tanong dapat: saan napunta ang pera? Sino ang nagpasok ng ‘insertions’? At kanino ito napunta?” dagdag niya.
Sinabi rin ni Puno na maraming alegasyon ngayon ang ginagamit lang para ilihis ang atensyon ng publiko mula sa tunay na may sala.
Aminado si Puno na siya ang unang nagbanggit noon ng mga problema sa FMR program, at inamin niyang may mga inaabuso sa proyekto. Ngunit paglilinaw niya, ang mga FMR projects sa Leyte ay maliit lang at legal, at pumasa sa pagsusuri ng Department of Agriculture (DA) at Department of Public Works and Highways (DPWH).
“Hindi naman ito malalaking proyekto. At ayon mismo sa Kalihim ng DA, wala sa Leyte ang mga tinawag niyang ‘ghost’ o ‘substandard’ projects,” sabi ni Puno.
Ipinaliwanag din niya na hindi lang palay ang sakop ng farm-to-market roads—lahat ng produktong agrikultural ay dapat makinabang dito.
Naniniwala si Puno na ang mga paratang kay Romualdez ay bahagi ng tinatawag niyang “lynch mob mentality” o sabayang paninisi sa iisang tao nang walang sapat na batayan.
Nanawagan si Puno sa publiko at media na maging mapanuri sa mga balita at alamin kung ang mga ito ay batay sa tunay na impormasyon o opinion lamang.
“Sana sa mga darating na linggo at buwan, mag-ingat tayo sa mga tinatanggap nating balita. Siguraduhin nating may ebidensya at hindi basta opinyon lang,” paalala ni Puno.
Binigyang-diin din niyang may tiwala siya sa ICI, pero nagbabala na may ilang taong maaaring gumawa ng paraan para ipasa ang sisi sa iba.
Sa huli, hinikayat ni Puno ang publiko na suriing mabuti ang mga ebidensya at huwag hayaang maligaw ng maling impormasyon.