Sisikapin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na ayusin at tapusin ang Navotas Coastal Dike upang mabawasan ang baha sa mga komunidad sa baybay-dagat ng lungsod.
Tinitiyak ito ni DPWH Secretary Vince Dizon matapos niyang inspeksyunin ang ilang proyekto para sa pagkontrol ng baha sa Navotas, kasunod ng pananalasa ng Bagyong Uwan.
Kasama niya sa inspeksyon sina Navotas Mayor John Rey Tiangco at Congressman Toby Tiangco.
Noong kasagsagan ng bagyo, ang taas ng alon na humampas sa coastal dike ay umabot sa halos dalawang palapag.
Ayon kay Dizon, maraming bahagi ng dike ang hindi pa tapos at dapat nang bigyan ng priyoridad.
Ipinaliwanag ni Cong. Tiangco na ang pagtatayo ay natatagalan dahil sa hindi sapat na pagpopondo.
Idinagdag pa niya na may bahagi ng dike na nasira matapos banggain ng barge ng kumpanyang Hi-Tone, at hindi pa rin ito inaayos hanggang ngayon.
Plano ni Sec. Dizon na kausapin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang gawing priyoridad ang proyekto at pondohan ito sa ilalim ng calamity fund.
Ipinapalista na rin niya sa district engineer ang lahat ng kailangang ayusin para sa mabilis na pagpapatupad ng proyekto.











