-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na handa silang ipasa sa susunod na linggo ang hinihinging listahan ng mga flood control projects ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address o SONA.

Ayon kasi sa pangulo, nagkaroon umano ng anomalya sa pagsasagawa ng mga flood control projects kaya naman hindi rin naging epektibo ang mga ito sa panahon ng bagyo.

Agaran naman nag-audit ang kagawaran ng lahat ng mga proyekto para sa pagbaha na nasimulan at natapos sa loob ng nakalipas ng tatlong taon o termino ng administrasyong Marcos. Ayon kay Bonoan, kasama rin sa kanilang sinusuri ang mga proyekto para sa baha kahit noong mga nakaraang administrasyon pa.

Kaugnay pa nito, ang sunod na gagawin sa listahan ay ang pag-categorize kung ano ang mga nabigong proyekto, hindi pa naituloy, at mga ghost projects. Gagawan din ng report ng DPWH ang mga ito at muli nilang ipapasa sa pangulo.

Samantala, ayon pa kay Bonoan, handa at bukas sila sa anumang imbestigasyon ng Kongreso na may kaugnayan sa mga flood control projects. Aniya, ang mahalaga para sa kanila ay maipasa ang listahan na hinahanap ng pangulo at malaman ng publiko ang mga proyektong hindi nakakatulong na maiwasan ang pagbaha.

-- ADVERTISEMENT --

Pagtitiyak din ni Bonoan na handa silang panagutin ang sinumang mapatunayan na sangkot sa mga anomalya umano sa flood control projects.