Makakatanggap ng 200 percent o double pay ang mga empleyado sa pribadong sektor na papasok sa trabaho sa Disyembre 25, Araw ng Pasko, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Batay sa Labor Advisory No. 17 na nilagdaan ni DOLE Secretary Bienvenido Laguesma, ang mga empleyadong magtatrabaho sa regular holiday ay may karapatang tumanggap ng dobleng sahod para sa unang walong oras ng trabaho.
Dagdag ng DOLE, kung lalampas sa walong oras ang trabaho sa araw na ito, may karagdagang 30 percent ng hourly rate ang empleyado. Kung ang Araw ng Pasko ay tumapat din sa rest day ng manggagawa, may dagdag pang 30 percent sa 200 percent na basic wage. Mas mataas pa ang bayad kung may overtime sa ganitong sitwasyon.
Samantala, ang mga empleyadong hindi papasok sa trabaho sa Disyembre 25 ay tatanggap pa rin ng 100 percent ng kanilang sahod, basta’t pumasok sila o naka-leave na may bayad sa araw bago ang holiday.
Ang Disyembre 25 ay idinedeklarang regular holiday taon-taon upang bigyang-daan ang mga Pilipino na ipagdiwang ang kapanganakan ni Hesukristo kasama ang pamilya at mga mahal sa buhay.











