-- ADVERTISEMENT --

Kinumpirma ng Department of Justice na sila’y nakipag-usap na sa bansang Japan hinggil sa mga kahilingan nitong dagdag kagamitan sa ikinasang ‘search and retrieval operations’ sa Taal lake.

Kung saan bumisita pa ang mga kinatawan ng Japan Embassy sa tanggapan ng naturang kagawaran upang mapag-usapan lamang ang mga kahilingan.

Ayon mismo kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, kanilang tinalakay na rito ang mga posibleng hiramin ng Pilipinas sa Japan para mapadali ang pagsasagawa ng paghahanap sa labi ng mga sabungero.

Ito kasi ang isa sa mga rebelesyong isiniwalat ng isang testigong si alyas ‘Totoy’ o Julie Dondon Patidongan na inilibing umano ang mga biktima sa bahagi ng Taal lake.

Ngunit bukod pa mga karagdagang gamitan, hiling din ng Department of Justice na makapagbigay din ng tulong o asiste ang Japan sa pagsasagawa ng DNA testing.

-- ADVERTISEMENT --

Plano kasing isailalim ang mga nakuha at narekober na mga buto sa Taal lake sa DNA testing upang matukoy kung ito’y tugma sa DNA samples ng kaanak ng mga nawawalang sabungero.

Bagama’t hindi pa opisyal na kumikilos ang bansang Japan, sineguro naman ni Justice Secretary Remulla na ang mahalaga aniya rito ay ang nasimulan ng pagproseso sa mga kakailanganin pang mga kagamitan.

Ngunit kanyang paglilinaw na hindi ito nangangahulugang walang sapat na kakayahan ang mga ahensyang katuwang ng kagawaran sa pag-iimbestiga.

Ang layon lamang raw nila ay makakalap ng iba pang mga tulong para mapadali ang imbestigasyon lalo pa’t aminado ang kagawaran na hindi madali ang isinasagawang pag-iimbestiga.

Buhat nito’y umaasa ang Department of Justice na ito’y makdaragdag sa mga ebidensiyang posibleng magamit sa nagpapatuloy ‘case buildup’ hinggil sa pagkawala ng mga sabungero.