-- ADVERTISEMENT --

Inanunsyo ng Department of Health (DOH) nitong Lunes na ipatutupad na ang zero balance billing policy sa piling local government unit (LGU)-owned hospitals, matapos ihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na P1 billion mula sa budget ng ahensya ang ilalaan para sa programa.

Ayon sa DOH, tiniyak ng Pangulo na ang P1 billion pondo mula sa DOH ay gagamitin para suportahan ang malalaking ospital ng LGU.

Maalalang ang zero balance billing policy ay ipinatupad noong Mayo 18 ng nakaraang taon, ngunit dati ay limitado lamang sa mga pasyente sa basic o ward accommodation ng 87 DOH-operated hospitals.

Sa isang pulong balitaan, ipinaliwanag ni Health Secretary Teodoro Herbosa na hindi sapat ang P1 billion allocation upang masakop lahat ng LGU hospitals, kaya kinakailangan piliin kung aling mga pasilidad ang makikinabang.

Aniya pa, may 17 Level 3 LGU-owned hospitals sa bansa. Ang mga ospital na ito ay may serbisyo, tulad ng intensive care unit, na “very similar” sa mga DOH hospitals.

-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak naman ng DOH na ang pondo ay direktang mapupunta sa malalaking LGU hospitals at hindi na kailangan ng ‘guarantee letter’ mula sa mga politiko.

Bukod sa P1-billion allocation, sinabi rin ni Herbosa na bahagi ng budget ng Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program ng DOH ay maaaring gamitin bilang karagdagang pondo para sa pagpapatupad ng zero balance billing sa LGU hospitals.