-- ADVERTISEMENT --

Mariing kinokondena ng Department of Health (DOH) ang walang humpay at patuloy na mapanlinlang na marketing strategy na ginagamit ng mga kompanya ng vape products.

Dahil dito, iminumungkahi ng DOH ang isang total ban, o ganap na pagbabawal, sa paggamit at pagbebenta ng vape sa buong bansa bilang proteksyon sa kalusugan ng publiko, lalo na ang kabataan.

Ayon sa DOH, ang vape ay naglalaman ng iba’t ibang kemikal na lubhang mapanganib sa kalusugan ng sinumang gumagamit nito.

Bukod pa rito, nakaaakit ito sa kabataan dahil sa kanilang makukulay na pakete at ang iba’t ibang flavor na kanilang iniaalok.

Batay sa datos mula sa 2019 Global Youth Tobacco Survey, nakababahala na isa sa bawat pitong kabataang Pilipino na may edad 13 hanggang 15 taong gulang ay gumagamit na ng vape.

-- ADVERTISEMENT --

Nakakalungkot din na naitala na ang unang kaso ng pagkamatay sa Pilipinas na direktang inuugnay sa dalawang taong paggamit ng vape.

Ito ay isang malinaw na indikasyon ng panganib na dulot ng vape sa kalusugan.

Binigyang-diin ng DOH na ang patuloy na paggamit ng vape, katulad ng sigarilyo, ay nagdudulot ng malubhang problema sa kalusugan, kabilang na ang cardiovascular disease, iba’t ibang uri ng cancer, at malulubhang sakit sa baga.

Sa kasalukuyan, patuloy ang DOH Health Promotion Bureau sa pagbibigay ng edukasyon sa mga komunidad, paaralan, at mga lugar ng trabaho.