-- ADVERTISEMENT --

Inanunsiyo ni Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa na masasaklaw na din sa bagong programa na zero balance billing (ZBB) ang mga biktima ng iresponsableng drivers sa mga aksidente sa kalsada.

Ginawa ng kalihim ang naturang anunsiyo sa isang UN press conference on Road Safety sa Mandaluyong City ngayong araw kasama ang UN Special Envoy for Road Safety Jean Todt na kasalukuyang nasa Pilipinas mula noong Lunes, Setyembre 8 hanggang ngayong araw, Setyembre 11.

Nilinaw naman ng kalihim na madi-diskwalipika mula sa programa ang mga road at traffic violators na ma-a-admit sa mga ospital ng DOH.

Ayon sa kalihim, kumitil na ng mahigit 13,000 buhay ng mga Pilipino ang mga banggaan sa kalsada.

Kayat bilang isang trauma surgeon at emergency physician, naglaan siya ng oras at pagsisikap para sa research at policy development, na nakatuon sa trauma scoring systems, epidemiology of road crash, injuries at epekto ng pagkalango sa alak sa mga pagkasawi sa kalsada.

-- ADVERTISEMENT --

Nagpakita aniya ang mga pag-aaral na ito ng hindi mapagkakailang katotohanan na maaaring maiwasan ang road crashes.

Kaugnay nito, target ng ahensiya na mapababa pa ang road traffic deaths at serious injuries ng 50% pagsapit ng 2028.