Kinansela na ng Department of Energy (DOE) ang kontrata nito para sa Montelago Geothermal Power Project sa Oriental Mindoro dahil sa kabiguang makamit ang mga itinakdang layunin ng proyekto.
Ayon sa Nickel Asia Corporation (NAC), natanggap ng kanilang subsidiary na Mindoro Geothermal Power Corporation (MGPC) noong Oktubre 13 ang abiso ng “final and irrevocable termination” ng Geothermal Renewable Energy Service Contract No. 2010-02-013.
Ayon sa DOE, hindi nakasunod ang MGPC sa naaprubahang 5-Year Work Program ng proyekto. Dahil dito pinagbabayad ang MGPC ng $120,000 bilang training assistance sa loob ng 30-araw.
Tiniyak naman ng NAC na babayaran nila ang obligasyon at iginiit na wala itong malaking epekto sa kanila, dahil umano sa impairment ng kanilang investment sa kanilang 2024 financial statements.
Nabatid na ang Montelago project ay planong magtayo ng 20–40MW geothermal facility na makatutulong sana sa renewable energy goals ng bansa, ngunit nahaharap ito sa mga lokal na pagtutol na nag-udyok ng pagkaantala.