Nanindigan ang Department of National Defense (DND) na hindi saklaw ng pinapairal na Red Line Policy ng China ang kahit anumang teritoryo na sakop ng Pilipinas.
Ito ay ayon sa mga naging pahayag ni Defense Secretary Gilberto Teodoro matapos na magbigay ng kanilang banat ang China na posible umanong managot ang Pilipinas dahil sa hindi nito pagsunod sa naturang polisiya.
Nilinaw din ng kalihim na walang nagaganap na kahit anumang klase ng pagpupulong sa pagitan ng Pilipinas o kahit sinumang opisyal nito at Taiwan na siya namang taliwas sa naging pahayag ng Chinese Foreign Ministry.
Giit pa ng kalihim, hindi dapat magpahayag ng kahit anumang pagbabanta ang China dahil malinaw naman aniya na hindi sakop ng kanilang polisiya ang Pilipinas at maging ang mga teritoryong kinasasakupan nito.
Binatikos din ng kalihim ang mga ginagagawa umanong ‘pambabaliktad’ ng China sa kasaysayan para lamang gawing masama ang mga aksyon at operasyon ikinakasa ng Pilipinas.
Samantala binigyang punto rin ni Teodoro ang pagiging masyadong malapit ng mga lider ng China, Russia at maging ng North Korea na siyang isa umanong malaking banta hindi lamang sa Pilipinas ngunit maging sa iba pang mga nasyon.