-- ADVERTISEMENT --

Hinimok ng Department of National Defense (DND) ng Pilipinas ang China na itigil ang pagpapakalat ng mga walang katotohanang naratibo at pakikilahok sa “State orchestrated disinformation campaign.”

Sa isang statement ngayong Martes, Disyembre 16, binatikos ni Defense Secretary Gilbert Teodoro ang pagtatangka ng tagapagsalita ng Ministry of Foreign Affairs ng China para i-justify ang kanilang mga aksiyon sa pamamagitan ng paggiit ng kanilang “indisputable sovereignty” at pagpapakalat ng lantarang kasinungalingan tulad ng “knife-wielding” fishermen o may hawak na patalim umano ang mga mangingisdang Pilipino, na hindi naman suportado ng katotohanan at ebidensiya.

Tinutukoy ng Defense chief ang insidente noong Disyembre 12 kung saan binombahan ng Chinese vessels ng water cannon ang Filipino fishing boats sa may Escoda Shoal na ikinasugat ng tatlong mangingisdang Pilipino at ikinapinsala ng bangkang pangisda, bagay na mariing kinondena rin ng DND.

Ayon sa ahensiya, ang paggamit ng water cannon, agresibong maniobra at pagputol ng anchor lines ng bangkang pangisda ay nagresulta sa pagkasugat ng mga Pilipinong sibilyan na taliwas sa tungkulin ng lahat ng estado na tiyakin ang kaligtasan ng bawat buhay ng tao.

Kaugnay nito, iginiit ng DND ang maritime entitlements sa lugar na pinamamahalaan sa ilalim ng UNCLOS at 2016 Arbitral Award.

-- ADVERTISEMENT --

Tinutulan din ng Pilipinas ang paggiit ng China na walang karapatan ang ibang mga bansa na magkomento o tumugon. Ayon sa DND, may lehitimong interest ang international community na pairalin ang international law, kalayaan sa paglalayag, at kaligtasan ng mga sibilyan sa dagat partikular na kapag ang mga aksiyon ay banta sa stability sa mahahalagang international waterway.

Sa huli, nanindigan ang Pilipinas na hindi ito mananahimik laban sa karahasan at pananakot.