-- ADVERTISEMENT --

Nanindigan si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na kailangang buwagin ang Anti-Graft and Corrupt Practices Committee na itinatag ni dating Kalihim Manuel Bonoan upang imbestigahan ang umano’y katiwalian sa flood control projects ng ahensya.

Ayon kay Dizon, hindi tama na ang ahensya mismo ang magsiyasat sa sarili nitong mga opisyal at proyekto. Ipinaliwanag ng kalihim na ang bagong pamunuan ng DPWH ay magsasagawa ng sariling pagsusuri sa mga proyekto at ipapasa ang lahat ng impormasyon sa independent commission na itinatag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para imbestigahan ang mga iregularidad.

Giit ni Dizon, hindi dapat ang sariling kagawaran ang nag-iimbestiga ng mga ito. Maling-mali na sila ang magsisiyasat sa kanilang mga sarili.

Bago ang kanyang pagbibitiw, inilunsad ni Bonoan ang komiteng ito sa bisa ng Department Order No. 166, series of 2025, upang silipin ang mga anomalya sa flood control projects sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Gayunman, iginiit ni Dizon na dapat igalang ang pasya ng Pangulo na bumuo ng independent commission at dito dapat iakyat ang lahat ng resulta ng imbestigasyon.

Samantala, nang tanungin naman ang dating kalihim Bonoan sa reaksyon niya sa hakbang na ito ni Dizon, inihayag niya na siya ay bukas dito lalo na kung ito naman ang magpapabuti sa kagawaran.

-- ADVERTISEMENT --

Nilinaw niya na kaya lang naman niya ginawa ang Anti-Graft and Corrupt Practices Committee ay para maging platform na sumbungan ng taong bayan kung may nakikitang anomalya sa kawani ng departamento.

Tiniyak din ni Dizon na tututukan niya ang “internal cleaning” o paglilinis sa loob ng ahensya upang maayos ang mga operasyon at maisumite nang tapat ang impormasyon sa tamang investigating body.

Plano rin ng kalihim na personal na silipin sa mga susunod na araw ang flood control projects upang makakuha ng mas malinaw na datos hinggil sa estado ng mga ito.