Handang magbigay ng P10 million pabuya ang Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa impormasyong magtuturo sa ikaaaresto ng negosyanteng si Atong Ang, na nahaharap kasong may kinalaman sa kidnapping ukol sa mga missing sabungero.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, inaasahang pormal na iaanunsiyo ang reward money mamayang hapon ng Huwebes, Enero 15, kasunod ng gagawing pagpupulong ng mga opisyal, bilang paraan upang hikayatin si Ang na sumuko.
Sa isang panayam sinabi ni Remulla na batay sa monitoring ng pamahalaan, nananatili pa rin sa Pilipinas si Ang, partikular sa Luzon.
Samantala itinuturing naman ng DILG chief na “armed and dangerous” si Ang, dahil sa mga alegasyong sangkot umano ito sa pagpatay ng mahigit isang daang katao, pati na rin sa dami ng mga bodyguard na umano’y kasama nito.
Dagdag pa niya, handa ang mga awtoridad sa anumang posibleng mangyari sakaling manlaban si Ang sa oras ng pag-aresto.
Ayon naman kay PNP acting chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr., mas pinalawak ang koordinasyon ng pulisya sa Bureau of Immigration bilang bahagi ng manhunt.
Si Ang ay kabilang sa 18 indibidwal na may arrest warrant kaugnay ng pagkawala ng mga sabungero. Ayon sa PNP, nahaharap siya sa 15 bilang ng kidnapping at serious illegal detention at apat na bilang ng kidnapping with homicide.
Sa kabilang dako hawak na ng kustodiya ng pulisya ang iba pang 17 akusado sa mga nawawalang sabungero.











