Nagpaalala ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa mga online seller tungkol sa mga dapat tandaan upang mapanatili ang kaligtasan at legalidad ng kanilang mga gawain sa digital marketplace.
Ayon kay DICT Secretary Henry Aguda, mariin niyang ipinahayag na walang lugar para sa pagbebenta ng mga ipinagbabawal na produkto sa online platforms.
Ito ay upang matiyak na ang lahat ng transaksyon ay naaayon sa batas at hindi makakasama sa publiko.
Nanawagan si Secretary Aguda sa lahat ng online seller na maging responsable sa mga produktong kanilang ibinebenta.
Hinikayat niya silang tiyakin na ang kanilang mga produkto ay sumusunod sa mga alituntunin ng iba’t ibang e-commerce platforms na kanilang ginagamit at sa lahat ng umiiral na batas ng bansa.
Dagdag pa rito, pinaalalahanan din ng DICT ang mga nagbebenta na siguraduhing ang lahat ng kanilang produkto ay may malinaw at kumpletong impormasyon.
Kabilang dito ang tamang presyo, paglalarawan ng produkto, at babala kung ang produkto ay maaaring makapinsala.
Binigyang-diin din ng DICT ang kahalagahan ng pangangalaga sa datos ng mga mamimili.