-- ADVERTISEMENT --

Ilulunsad ng DepEd ang “Paaralang Bukas Dashboard,” isang portal kung saan puwedeng masubaybayan ng publiko ang kalagayan at pangangailangan ng mga paaralan.

Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, makikita sa dashboard ang performance ng mga paaralan, kabilang ang resulta ng Early Language, Literacy, and Numeracy Assessment (ELLNA) at National Achievement Tests (NAT) para sa School Year 2023–2024. Kasama rin dito ang impormasyon tungkol sa bilang ng enrollees, pasilidad, utilities, at gastusin sa maintenance ng bawat pampublikong paaralan.

Layunin ng proyekto na pataasin ang transparency at hikayatin ang aktibong partisipasyon ng publiko sa pagpapabuti ng edukasyon. “Ang datos ng ating mga paaralan ay dapat makita ng lahat, para sama-sama tayong makahanap ng solusyon at magbukas ng mas maraming oportunidad para sa kabataan,” ani Angara.

Ayon naman kay DepEd Undersecretary Ronald Mendoza, makatutulong ang dashboard para mas mabilis matukoy at matugunan ang pangangailangan ng mga paaralan, mag-aaral, at guro, mula sa pasilidad at kagamitan hanggang sa pagpapahusay ng performance sa pagsusulit.