Sumampa na sa apat na katao ang nasawi sa nagpapatuloy na pagbuhos ng ulan na nagdulot ng matinding pagbaha sa South Korea.
Ito ay matapos na madagdagan pa ng dalawa ang naunang napaulat na nasawi habang isa ang napaulat na nawawala.
Ang mga biktimang nasawi sa kalamidad ay naiulat mula sa city ng Seosan sa south Chungcheong province. Ang isang napaulat na nawawala ay inanod sa isang ilog sa Gwangju sa timog-kanlurang bahagi.
Libu-libong residente naman o kabuuang 5,192 katao mula sa 13 siyudad at probinsiya na binaha ang inilikas na.
Napinsala din sa matinding mga pag-ulan at baha ang 496 na public properties habang 276 na pribadong ari-arian ang nasira.
Naantala din ang ferry service sa ilang lugar bunsod ng mabibigat na pag-ulan.
Nitong Huwebes, itinaas na ng gobyerno ng SoKor ang disaster alert sa pinakamataas na lebel, bilang “serious” para matugunan ang lumalawak pang pinsalang dulot ng nagpapatuloy na mabibigat na pag-ulan.
Ang mga naitalang pag-ulan naman sa loob lamang ng isang oras na 114.9 mm (4.5 inches) ay itinuturing na pinakamataas na naitala simula noong 1968.