“Enough is enough.” Panahon na para managot ang mga corrupt,” Ito ang binigyang-diin ni Mamamayang LIberal partylist Rep. Leila de Lima.
Ginawa ni De Lima ang pahayag sa ginanap na kilos protesta ngayong Setyembre 21, 2025.
Kabilang ang mambabatas na nanguna sa pagbatikos sa mga umano’y anomalya at korupsyon sa mga proyekto ng gobyerno.
Bilang House Deputy Minority Leader, mariing pinuna ni De Lima ang mga mambabatas na tila hindi ipinaglalaban ang interes ng taumbayan.
“Nasaan na nga ba ang ibang mambabatas? Bakit wala sila rito? Siguro busy silang maghanap ng mga dahilan para makalusot sa kanilang mga katiwalian,” pahayag ni de Lima.
Binatikos din ni De Lima ang mga opisyal na nakikinabang sa mga “kickback” at pandaraya na umano’y nagdudulot ng matinding hirap sa mga Pilipino, lalo na sa panahon ng mga malalakas na pagbaha.
“Habang hirap ang taumbayan, sila’y hayahay sa kanilang marangyang buhay — pambili ng mamahaling sasakyan at relong milyon-milyon ang halaga,” ani De Lima.
Ipinaalala niya na hindi dapat humupa ang galit ng mamamayan kahit na humupa na ang baha, at nanawagan siya ng patuloy na pagkilos at panawagan para maharap sa hustisya ang mga sangkot sa korupsyon.
Tinukoy din ni De Lima si Sara Duterte, na aniya ay may mga dapat panagutin sa mga anomalya at katiwalian.
Bilang solusyon, nanawagan siya sa Kongreso na maisabatas ang “Independent Commission Against Infrastructure Corruption” upang matugunan nang seryoso ang malawakang katiwalian sa mga proyekto ng gobyerno.
“Dapat may ngipin at tunay na independent ang komisyon na ito,” pahayag ni De Lima.
Hinimok ni De Lima si Pangulong Marcos Jr. na i-certify bilang urgent ang House Bill No. 4453 na nagtataguyod ng nasabing komisyon.