Naglabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng P1.6 billion para sa calamity funds ng mga ahensiya ng gobyerno para mapabilis ang recovery ng mga biktima ng mga kamakailang kalamidad na tumama sa bansa.
Gagamitin ang naturang halaga para sa replenishment ng quick response fund ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa kabuuang halaga, nakatanggap ang DPWH ng P1 billion para madagdagan ang kanilang quick response fund, na hiniling na mapunan sa ikatlong pagkakataon.
Samantala, naglabas naman ang DBM ng P625 million para ma-replenish ang quick response fund ng ahensiya ngayong taon. Gagamitin ang naturang mga pondo para makapag-stock ng relief goods sa mga bodega ng DSWD at magbigay ng emergency cash aid para sa mga pamilya sa mga lugar na apektado ng mga kalamidad.
Kabilang dito ang mga panibagong alokasyon sa DPWH para suportahan ang reconstruction at rehabilitation programs, activities at projects. Gayundin ang prepositioning ng mga pagkain at kagamitan sa mga komunidad na apektado ng mga kalamidad na tumama sa huling kwarter ng 2024 at ngayong taon.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, ang paglalabas ng pondo hanggang sa paghahatid ng emergency services at pagsasagawa ng assessment sa ground zero ay isang whole of government approach kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para magbigay ng agarang suporta sa mga biktima ng lindol sa Cebu.