Inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang P1.684 billion pondo para sa replenishment ng Quick Response Funds (QRF) ng Department of Agriculture (DA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Philippine Coast Guard (PCG) upang mapabilis ang pagtugon sa mga sakuna.
Ayon sa DBM, P1 billion ang inilaan sa DA para sa mga rehabilitation program sa mga rehiyong hinagupit ng mga bagyo at bilang standby fund para sa mga magsasaka at mangingisda na maaapektuhan ng mga susunod na kalamidad.
Sinabi ni DBM Secretary Amenah Pangandaman na ang mga bagyo ay matinding nakaaapekto sa sektor ng agrikultura, kaya’t agad nilang inaprubahan ang hiling ng DA na muling punan ang QRF.
Samantala, P631 million ang inilaan ng DBM para sa DSWD na nakalaan para sa pagbili ng family food packs, non-food items, at emergency cash transfers sa mga pamilyang apektado ng kalamidad, na inaasahang makatutulong sa halos 59,000 pamilya.
Dagdag pa rito, noong Oktubre ay naglabas na rin ang DBM ng P1.982 billion para sa QRF ng DSWD.
Nakakuha naman ang Philippine Coast Guard ng P53 million para sa kanilang relief, rehabilitation, at search-and-rescue operations sa mga apektadong lugar.
Sa kasalukuyan, humihina na ang Super Typhoon Uwan habang papalayo sa Ilocos Region. Ayon sa mga awtoridad, dalawa ang nasawi at dalawa ang nasugatan, bagama’t patuloy pa ang beripikasyon ng mga local disaster offices.
Matatandaan na noong nakaraang linggo, idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang isang taong state of national calamity matapos ang pananalasa ng Typhoon Tino sa Visayas.











