-- ADVERTISEMENT --

Nakaladkad sa pagdinig ng Senado hinggil sa umano’y korapsyon sa flood control projects si dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

Lumantad sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee si Orly Regala Guteza, dating sundalo at security consultant ni Congressman Elizaldy Co.

Inamin ni Guteza na ang mga maleta ay tinatawag nilang “basura,” na naglalaman ng salapi na kanilang idini-deliver sa mga tahanan nina Co at Romualdez.

Ayon sa kanya, bawat maleta ay naglalaman ng humigit-kumulang P48 milyon.

Nakumpirma niya na tunay na pera ang laman nang minsang makita niya itong binuksan ng executive assistant ni Co.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Guteza na kapag may “duty detailed basura,” sila ay pumupunta sa bahay ni Co sa Valle Verde, Pasig City, at tinatanggap ito nina John Paul Estrada at Mark Tecsay, ang mga executive assistant ng kongresista.

Inihayag din ni Guteza ang pagkakasangkot ni ACT-CIS Partylist Rep. Eric Yap, na minsang nagdala ng 46 na maleta sa bahay ni Co, at mula rito ay direktang dinala sa unit ng kongresista sa Horizon Residences.

Sa kabuuang 46 na maleta, 11 ay iniwan sa unit ni Co, habang ang natitirang 35 ay ipinadala sa tahanan ni Romualdez sa Mckinley Street, Taguig City.

Ayon kay Guteza, ang perang ito ay nagmula sa mga proyekto na nagdulot ng baha at panganib sa buhay ng mga tao, sa halip na gamitin para sa edukasyon at serbisyong medikal.

Aniya, mabigat sa kanyang kalooban ang magsalita dahil may pamilya siya at kasama ang ilang kasamahan sa operasyon, ngunit layunin niyang maisaayos ang kinabukasan ng bayan.

Dahil sa potensyal na panganib sa kanyang buhay at pamilya, inihayag din ni Guteza ang kanyang hangarin na mapasailalim sa Witness Protection Program.