Sa bisa ng ikinasang buy-bust operation, muling nasakote ang isang lalaki na dati nang nasangkot sa carnapping, matapos itong mahuling nagbebenta umano ng ipinagbabawal na gamot sa Barangay Bagua 2.
Sa ulat mula kay Barangay Chairman Fahad Singh ng Bagua 2, nahuli ang suspek na kinilala sa alyas “Bemar”, residente ng 2nd Street, Barangay Rosary Heights 5, dakong alas-2:30 ng hapon kahapon, Hulyo 10.
Matapos mapansin ang presensya ni Bemar sa kanilang lugar at makatanggap ng ulat ukol sa umano’y pagbebenta nito ng droga, agad nakipag-ugnayan ang barangay sa Police Station 4.
Sa isinagawang surveillance, natukoy na aktibo si Bemar sa bentahan ng iligal na droga kaya’t agad itong isinailalim sa operasyon.
Nang magpositibo sa transaksyon, tuluyang inaresto ng mga operatiba si Bemar. Narekober sa kanyang pag-iingat ang dalawang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon pa kay Chairman Singh, si Bemar ang ikapitong indibidwal na nahuli ngayong buwan sa kanilang barangay kaugnay sa iligal na droga, patunay aniya na epektibo ang maigting na ugnayan ng barangay at Police Station 4 sa ilalim ng pamumuno ni PMaj. Albert Carillo.