-- ADVERTISEMENT --

Isinama na sa panukalang 2026 national budget o General Appropriations Bill (GAB) ang dalawang mungkahi ni Parañaque 2nd District Representative Brian Raymund Yamsuan na dagdagan ang pondo para sa Commission on Audit (COA) at Commission on Human Rights (CHR upang palakasin ang mga programa para sa pagpapalaganap ng transparency at accountability sa pamahalaan.

Layunin ng mga amyendang inihain ni Yamsuan sa GAB na maglaan ng karagdagang P166.68 milyon para sa COA at P85.86 milyon para sa CHR sa susunod na taon ng pananalapi.

Ayon kay Yamsuan, ang mga mungkahing dagdag-pondo para sa CHR at COA ay hindi lamang magpapalakas sa proteksyon ng karapatang pantao at pagsiguro sa pananagutan sa gobyerno, kundi mahalaga ring hakbang para mapangalagaan ang pondo ng bayan at mapalakas ang laban kontra katiwalian.”

Ayon pa kay Yamsuan, ang P166.68 milyong dagdag-pondo para sa COA ay gagamitin para sa digital transformation ng ahensiya at sa pagsasagawa ng makabagong sistema ng accounting na naaayon sa pandaigdigang pamantayan.

Mula sa orihinal na alokasyong P13.88 bilyon, aabot sa P14.05 bilyon ang kabuuang pondo ng COA para sa 2026 sa ilalim ng panukalang amyenda.

-- ADVERTISEMENT --

Saklaw ng karagdagang pondo ang P109.86 milyon para sa ikatlong taon ng pagpapatupad ng COA Information Systems Strategic Plan, at P56.82 milyon para sa pagbili ng ICT equipment at software.

Iminungkahi rin ni Yamsuan na dagdagan ng P85.86 milyon ang pondo ng CHR, bukod sa orihinal nitong alokasyong P1.24 bilyon para sa 2026.

Ang karagdagang pondo ay ilalaan sa P51.81 milyon para sa pagpapalawak ng programang pinansyal na tulong sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao; P34.05 milyon para palakasin ang Human Rights Protection Office ng CHR.

Iniharap ni Yamsuan ang kanyang mga mungkahi sa BARsC, at kalaunan ay inaprubahan ng House Appropriations Committee na pinamumunuan ni Nueva Ecija 1st District Rep. Mikaela Angela Suansing bilang bahagi ng mga amyenda sa House Bill 4058 o panukalang P6.793 trilyon national budget para sa 2026.

Ang karagdagang pondo para sa CHR at COA ay kinuha mula sa P255.53 bilyong tinanggal sa budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH).