Tiniyak ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Laurel Jr. na tatalima sa naging kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang ika-4 na Ulat sa Bayan na paghahabol sa mga trader na nanloloko sa mga magsasaka.
Giit ng kalihim, malinaw ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang ika-apat na SONA – ang paghabol sa mga trader na nagpapahirap at nananabotahe sa mga magsasaka ng bansa.
Hindi rin aniya titigilan ng DA ang mga nagmamanipula sa presyo ng palay at bigas at ng iba pang mga agricultural commodities.
Tulad ng sinabi ng pangulo aniya, itinuturing ito bilang economic sabotage kaya’t kailangang managot ang mga ito sa kanilang mga pagkakasala.
Sa ika-apat na Ulat sa Bayan ni Pang. Marcos, binalaan niya ang mga trader na magtatangkang magmanipula sa presyo ng palay at bigas na hahabulin sila ng gobiyerno at pananagutin.
Nagpahayag din ng pagsuporta ang National Food Authority (NFA) sa naturang hakbang.