-- ADVERTISEMENT --

Pinaghahanda na umano ng Department of Agriculture (DA) ang posibleng kaliwa’t-kanang pagpuna sa planong pagsasabusta sa libo-libong tonelada ng National Food Authority (NFA) rice.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., tiyak na lalabas ang mga kritisismo sa sandaling simulan na ang pagsusubasta sa mga bigas.

Maaari aniyang sasabihin ng mga kritiko na ang bigas ay mayroong bukbok, o kaya ay mahina ang kalidad, at aakusahan and DA ng kapabayaan.

Dagdag pa ng kalihim, hindi maiwasan ang mga naturang kritisismo bilang resulta nang pag-alis sa pangkalahatang kapangyarihan ng NFA sa ilalim ng Rice Tariffication Law (RTL).

Binigyang-diin ng kalihim na ang RTL ay nagsisilbing balakid sa kakayahan ng ahensiya na maayos na ipagulong ang reserba at nalilimitahan din ang pondo ng ahensiya para sana sa tamang storage infrastructure tulad ng silos at mga bodega na kayang kontrolin ang temperatura.

-- ADVERTISEMENT --

Paliwanag ng kalihim, ang pagsusubasta ay bahagi ng pagtugon ng pamahalaan sa posibleng kakapusan ng bigas at upang magkaroon ng sapat na space ang mga bodega ng NFA, para sa mga bagong-aning palay.

Paraan din ito upang mailabas ang mga bigas na matagal nang naka-imbak sa mga bodega. Itinuturing kasing luma ang mga bigas kung naka-imbak na ang mga ito ng mahigit tatlong buwan.

Samantala, ipapatupad naman ang graduated pricing scheme kapag isusubasta na ang bulto ng bigas.

Magsisimula ito sa floor prices na P25.01 hanggang P27.96 per kilo depende sa tagal na pagkaimbak ng bigas.

Hawak ng DA ang reserbang bigas na 450,000 metriko tonelada – supisyente para sa 12 araw ng emergency national supply.

Ang kabuuang bulto ng ipapasubasta ay kumakatawan lamang sa 13% ng naturang reserba o mahigit 1.2 million sako ng bigas.