Isiniwalat ng government contractor na si Pacifico “Curlee” Discaya II na nakadepende sa nakaupong presidente ang hinihinging porsyento sa proyekto ng mga kongresista sa pamamagitan ng kanilang “bag man” mula sa mga kontraktor.
Ginawa ni Discaya ang rebelasyon sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee hearing sa maanomaliyang flood control projects ngayong Martes, Setyembre 23.
Sa binasang affidavit ni Curlee Discaya, inilahad niyang nagsimula silang sumali sa mga bidding sa proyekto ng gobyenrno noong 2012.
Dito, ibinunyag ni Curlee na base sa kaniyang obserbasyon, noong panahon ni yumaong dating Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III, pumapalo sa 10% ang kickback na tinatawag umano nilang “padulas” o ang perang kinukuha ng bag man mula sa kontraktor.
Tumaas naman ito sa 12% hanggang 15% sa ilalim noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Habang dumoble pa ito sa 25% hanggang 35% sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ibinunyag pa ng contractor na kung hindi sila papayag sa ganitong gawain ay ginagawan umano ng problema ang kanilang proyekto tulad ng mutual termination o di naman kaya ay isyu sa right of way.
Maliban dito, ginagamit din aniya para takutin sila ang pag-blacklist sa kanila sa loob ng isang taon kung saan hindi na sila makakasali sa mga bidding, kayat napipilitan na lamang umano silang sumunod.