Inamin ng contractor na si Pacifico “Curlee” Discaya II sa pagdinig ng House Infrastructure Committee na may nanghingi sa kanila ng kickback noong nakalipas na Duterte administration subalit hindi umano sila pumayag dahil hindi pa ganoon ka-strikto noon.
Hindi aniya tulad ngayon sa ilalim ng kasalukuyang administrayon na istriktong naipapatupad ang three-strike policy kung saan kapag tatlong beses nadiskwalipika ang kontratista ay awtomatikong malalagay sa blacklist.
Pinapadyaryo din umano nila ang nanghihingi sa kanila noon, bagay na kinuwestyon ni Batangas 2nd district Rep. Gerville ” Jinky” Luistro kung bakit hindi aniya ginawa ang parehong approach sa kasalukuyang administrasyon.
Kinuwestyon din ng mambabatas kung bakit hindi isinama ni Discaya ito sa kanyang affidavit na isinumite sa Senate blue ribbon committee noong Lunes, Setyembre 8. Matatandaan na sa naturang affidavit, pinangalanan ni Discaya ang ilang kongresista at opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon na umano’y nakinabang sa proyekto ng siyam niyang kompanya.
Kinuwestyon din ni Rep. Luistro ang kapansin-pansing malaking revenue ng construction firms ni Discaya noong nakalipas na administrasyon mula 2016 hanggang 2022 kumapara sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Binigyang-diin din ni Luistro na noong panahon ng administrasyong Duterte, ang St. Gerrard Construction na pagmamay-ari ng Discaya ang top contractor na nakapagbulsa ng aabot sa P12 billion na halaga ng kontrata sa DPWH sa loob ng isa’t kalahating taon, base sa iprinisenta ni Luistro na report mula sa Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ).
Subalit itinanggi ito ni Discaya at iginiit na taliwas ito sa idineklara nilang financial statement.
Tinuligsa naman ni Rep. Luistro kung bakit tila nagkaroon ng selective amnesia si Curlee Discaya.
Bunsod nito pinaaalalahanan ng mambabatas ang resource person na si Discaya na ang pagsasabi ng katotohanan ay hindi dapat pinipili lamang. Kapag nanumpang magsasabi ng totoo at pawang katotohanan lamang, dapat aniyang ilahad ang lahat.
Hindi aniya maaaring mula 2023 hanggang 2024 lang ang isisiwalat ni Discaya, tapos biglaan na lamang nakalimutan ang mula sa 2016 hanggang 2022.
Kaugnay nito, piniga ng mambabatas si Discaya na pangalanan ang mga nanghihingi ng kickback sa nakalipas na administrasyon. Dito binanggit ni Discaya ang isang patay ng opisyal ng DPWH, na nagpagalit naman kay House InfraComm lead presiding officer Rep. Terry Ridon.
Sa huli, sa tulong ng ibang DPWH official na present sa pagdinig, natukoy ang pangalan ng dating district engineer sa Region 4-A (Calabarzon) na umano’y tinangkang manghingi ng kickback sa ilalim noon ng nakaraang administrasyon.
Ito ay si dating Department of Public Works and Highways Region 4-A Director Samson Hebra. Nasa 10% umano ang hinihingi na pera ng inuutusan ng dating district engineer (DE) para umano sa “taas”.