Handa ang Commission on Elections sa anumang magiging desisyon ng Supreme Court kaugnay ng petition na kumukuwestiyon sa postponement ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE.
Ayon kay Comelec chairman George Garcia, nakahanda ang poll body sa aspeto ng budget at operasyon sakaling maglabas ng ruling ang Supreme Court.
Gayunman, sinabi niyang hindi na matutuloy ang BSKE sa orihinal na November 2 schedule dahil nauna nang ipinatigil ng Comelec ang lahat ng election-related activities kasunod ng bagong batas.
Samantala, umabot na sa P8 bilyon ang nagastos ng Comelec para sa paghahanda sa 2026 BSKE, kabilang ang kagamitan, ballots at manpower.
Ayon kay Garcia, maaaring gamitin sa mga susunod na halalan ang karamihan sa mga na-procure na kagamitan basta maayos na maiimbak.
Ang hindi magagamit na pondo para sa BSKE ay maaari namang ilaan sa paghahanda para sa 2028 national elections.
Nakatakda namang umabot sa P29.5 bilyon ang panukalang 2027 budget ng Comelec sa ilalim ng national expenditure program, mas mataas ng 46 porsyento kumpara sa nakaraang allocation dahil sa paghahanda para sa 2028 elections.











