Matapang na hinamon ni Colombian President Gustavo Petro si US President Donald Trump ng “come and get me” matapos pagbantaan siya ng US President na posibleng isunod matapos ang pag-atake sa Venezuela na nagresulta sa pagkaaresto ni Venezuelan President Nicolas Maduro at First lady Cilia Flores.
Iginiit ni Petro na huwag siyang pagbantaan at aantayin niya ang mga ito kasunod ng pahiwatig ni Trump na posibleng military action sa Colombia.
Inaakusahan kasi ni Trump ang Colombian President na sangkot umano sa parehong narco-terrorism na ikinaso kay Maduro at mayroon umanong pabrika ng cocaine, alegasyong mariing itinanggi naman ni Petro bilang walang basehan.
Nagbanta rin ang Colombian President kay Trump na nakahanda siyang muling humawak ng armas para sa kanilang bansa. Nauna na kasing nangako ang Colombian President, na miyembro ng makakaliwang M-19 guerilla group, na hindi na ito muling hahawak pa ng armas.
Sa kabila nito, handa umano ang Colombian president na makipagkita ng harap-harapan kay Trump nang base sa “intelligence” at hindi kasinungalingan at sinabihan ang US President na itigil ang pakikinig sa kasinungalingan ng Colombian political mafias.
Iginiit din ng Colombian President na sakaling bombahin ang kahit isa sa kanilang grupo nang walang sapat na intelligence sa mga paratang laban sa kaniya, mapapatay ang maraming bata, kapag binomba ang mga peasants, libu-libo aniyang guerillas ang magbabalik sa mga kabundukan at kapag inaresto siya na nirerespeto ng kanilang mamamayan, papakawalan umano ni Trump ang “sikat na jaguar.’
Sa huli, sinabihan ni Petro ang Trump administration na isang commander ng taumbayan ang kanilang kinakaharap at iginiit ang habambuhay na pagpapalaya sa Colombia!











