Hinikayat ng Clergy for Good Governance ang publiko na makiisa sa isasagawang rally bukas, November 23, kasabay ng ika-100 kapistahan ng Christ the King.
Ayon kay Fr. Robert Reyes ng CGG, makabuluhan ang diwa ng selebrasyon at ng rally dahil inaalala din dito kung paano nagsimula ang Christ the King celebration, isang siglo na ang nakakalipas.
Sa naturang panahon aniya ay ilang monarkiya ang nabuwag at tuluyang gumuho habang maraming pamahalaan din ang sumunod na nagpasimula ng mga pagbabago.
Nagsimula rin aniya ang malawakang pagbabago sa iba’t-ibang larangan at sektor sa panahon na itinatag ang Christ the King, kaya’t ang naturang selebrasyon ay mistulang sumasalamin sa hangarin ng maraming Pilipino na magkaroon ng pagbabago sa gobiyerno ng Pilipinas, at mawakasan na ang malalang korapsyon na nangyayari.
Tiniyak naman ng grupo na hindi nila papayagang may iba pang mga grupo o personalidad na manggugulo sa naturang pagtitipon.
Ayon kay Fr. Reyes, may mga martial na itatalaga sa kabuuan ng rally upang magbantay kapwa sa mga makikibahagi sa rally at sa mga posibleng manggulo.
Magsisimula ang pagtitipon bukas, ganap na alas-2:00 ng hapon sa EDSA Shrine.
Susundan ito ng isang misa na pangungunahan ni Cardinal Pablo Virgillo David ganap na alas-4 ng hapon.
Pagkatapos ng misa, susundan ito ng ilang oras na programa kung saan planong ilabas ng grupo ang lahat ng hinaing at kahilingan sa gobiyerno ng Pilipinas.











