Nagpahayag ng suporta si Claudine Barretto sa kanyang pamangkin na si Julia Barretto, matapos kumpirmahin ng aktres ang hiwalayan nila ni Gerald Anderson.
Sa isang Facebook post noong Setyembre 18, ibinahagi ni Claudine ang pahayag ukol sa breakup at sinabing, “Mama is here, Juls 💔.”
Bago nito, sa isang panayam kina Ogie Diaz at Inah Evans, nagbigay rin ng komento si Claudine tungkol sa mga usap-usapang may relasyon umano si Gerald sa volleyball player na si Vanie Gandler.
Ayon kay Claudine, taliwas sa sinasabi ng iba na “magkaibigan lang” sina Gerald at Vanie, iba raw ang impormasyon na nakarating sa kanya mula sa mga kaibigan niya sa volleyball community.
Dagdag pa ni Claudine, tumigil na siya sa panonood ng Premier Volleyball League (PVL) kung saan naglalaro si Gandler.
“Hindi ko siya gusto, pwede naman ‘yon, ‘di ba?” paglilinaw niya, habang nilinaw ring wala siyang personal na galit sa dalaga.
Una rito hindi inilantad ang tunay na dahilan ng hiwalayan nina Julia at Gerald, pero ayon sa kanilang mga talent agency, “amicably parted ways” o naghiwalay nang maayos ang dating magkasintahan.