-- ADVERTISEMENT --

Nakapagtala ng kakaibang Guinness World Record ang isang circus performer matapos niyang buhatin ang tatlong tao gamit lamang ang kanyang mga ngipin—habang nakabiting pabaliktad.

Si Michael Radiff, isang performer mula sa Estados Unidos, ay nagpamalas ng kakaibang lakas sa harap ng live audience sa Songshan District, Taipei City, Taiwan noong nakaraang Mayo.

Sa kanyang pagtatanghal, binuhat ni Radiff ang kabuuang bigat na 185.80 kilo, dahilan upang makuha niya ang titulo na “Heaviest weight held with the teeth while suspended upside down.”

Sa mga larawan ng nasabing event, makikita si Radiff na nakasabit nang pabaliktad, habang kagat ang isang mouthguard na nakakabit sa strap at metal bar. Habang siya ay dahan-dahang itinataas, tatlong tao ang sabay-sabay niyang binuhat gamit lamang ang lakas ng kanyang panga at ngipin.

Makaraan ang ilang segundo, binitiwan ni Radiff ang metal bar matapos matagumpay na maitaas at maibitin ang kabuuang bigat ng tatlong tao.

-- ADVERTISEMENT --

Bilang isang strength performance specialist, dumaan si Radiff sa matinding pagsasanay upang maabot ang rekord na ito. Pinatatag niya ang kanyang panga at leeg, at nagsagawa ng mga inverted core exercises.

Ayon sa pamantayan ng Guinness World Records, ang bigat ay kailangang maitaas ng hindi bababa sa 15 sentimetro mula sa lupa at mapanatili ito nang hindi bababa sa 10 segundo.

Sa kanyang pagtatanghal, nalampasan ni Radiff ang dating rekord na 130 kilo na itinakda ni Loretta Antal mula sa Hungary noong Enero 27, 2024.