-- ADVERTISEMENT --

Hinimok ng Commission on Human Rights (CHR) ang mga mamamayang Pilipino na pagnilayan ang mas malalim na kahulugan ng Pasko.

Ayon sa komisyon, bagaman sa mga nakalipas na taon ay maraming hamon ang hinarap ng mga Pilipino, ang pagdiriwang ng Pasko ay isa umanong paalala na buhay ang pag-asa, lalo na kung nananatili ang pakikipagkapwa at ang pagkalinga sa bawat isa.

Ayon pa sa komisyon, hinaharap ng maraming Pilipino ang patuloy na pagtaas ng ‘cost of living’, epekto ng ibaa’t-ibang mga kalamidad, kaguluhan, displacement, at kawalan ng kasiguruhan sa maraming bagay.

Sa harap ng mga naturang hamon, binigyang-diin ng komisyon na hindi dapat nakokompromiso ang karapatan ng mga apektado, dahil ang karapatang pantao ay araw-araw na pangangailangan at kailangang matiyak sa lahat ng pagkakataon, sa anumang sitwasyon.

Kaakibat ng Pasko ay ang oportunidad ng bawat Pilipino na pag-isipan kung ano ang mga pinagdaan ng bansa at ang naghihintay na hinaharap para sa bawat isa.

-- ADVERTISEMENT --

Nakiisa rin ang komisyon sa bawat Pilipino kasabay ng selebrasyon ng Yuletide Season, dala ang hangaring maprotektahan ang karapatan ng bawat isa, kung saan ang pamahalaan ang mangunguna sa pagsusulong nito.

Binati rin ng komisyon ang bawat Pilipino ng isang makatao at mapayapang Pasko. Hangad ng komisyon na magsilbing paalala ang diwa ng Kapaskuhan na ang paggalang sa dignidad ng bawat isa ang sandigan ng isang nagkakaisa at makatarungang bayan.