-- ADVERTISEMENT --

Bineto ng China at Russia ang isang resolusyon ng United Nations Security Council na naglalayong hikayatin ang mga bansa na magtulungan upang maprotektahan ang mga komersyal na barko sa Strait of Hormuz.

Sa botong 11 pabor, 2 tutol, at 2 abstain mula sa 15 miyembro ng konseho, nabigo ang resolusyon na maipasa dahil sa veto ng dalawang permanenteng miyembro.

Ayon kay Bahrain Foreign Minister Abdullatif bin Rashid Al Zayani, hindi naaprubahan ang panukala dahil sa pagtutol ng isang permanenteng miyembro ng konseho.

Nag-ugat ang resolusyon matapos halos isara ng Iran ang Strait of Hormuz kasunod ng mahigit limang linggong digmaan sa rehiyon na nagsimula matapos ang pag-atake ng U.S. at Israel laban sa Iran.

Ang strait of Hormuz ay dinadaanan ng humigit-kumulang 20% ng suplay ng langis at liquefied natural gas sa buong mundo.

-- ADVERTISEMENT --

Kinondena naman ni U.S. Ambassador Mike Waltz ang ginawang pag-veto ng China at Russia, na tinawag niyang ”a new low,” at inakusahan na pinapanigan ang Iran.

Aniya, naaapektuhan na rin ang paghahatid ng tulong medikal sa mga lugar na may krisis tulad ng Congo, Sudan, at Gaza dahil sa pagsasara ng Strait of Hormuz.

Nanawagan ang Estados Unidos sa iba pang bansa na makiisa sa kanilang hakbang upang matiyak ang seguridad at malayang pagdaan ng mga barko sa Strait of Hormuz.

Dismayado rin ang France sa naging aksyon ng Russia at China. Ayon kay U.N. Ambassador Jerome Bonnafont, layunin ng resolusyon na magbigay lamang ng seguridad sa naturang daungan upang mapanatili ang kaligtasan sa rehiyon para maiwasan narin ang paglala ng tensyon sa Gitnang Silangan.