Ipinamalas ng China ang mga makabagong armas nito sa isinagawang military parade sa Tiananmen Square sa Beijing para Victory Day ng naturang bansa bilang paggunita sa ika-80 anibersaryo ng pagwawakas ng World War II.
Kabilang sa mga ipinarada ang daan-daang makabagong weapons ng China gaya ng laser weapons, nuclear ballistic missiles at giant underwater drones.
Ibinida din ang mahigit 10,000 tropang sundalo ng China na nagpapakita ng lumalakas na military power ng China sa ilalim ng isinusulong ni Chinese President Xi Jinping na pagsasamoderno ng kanilang itinuturing na “largest standing army” sa buong mundo.
Sa pambihirang pagkakataon naman, magkakasamang nagmartsa ang tatlong makapangyarihang lider na sina North Korean leader Kim Jong Un at Russian President Vladimir Putin kasama si Xi.
Ito ang kauna-unahang pagkakataong nagkita ng personal ang tatlong lider. Dumalo din sa naturang event ang 24 na iba pang heads of state.
Sa kaniyang speech, matapang na sinabi ni Chinese President Xi na hindi papapigil ang kanilang bansa at hindi matatakot sa mga bullies.
Samantala, inakusahan naman ni US President Donald Trump ang China, Russia at North Korea ng pagsasabwatan laban sa Amerika.