Tinawag ni dating Narvacan Mayor at Ilocos Sur governor Chavit Singson na walang basehan at pamumulitika ang kasong graft at plunder na isinampa sa kaniya.
Ang kaso ay isinampa ng grupo ni Atty. Estelita Cordero sa Office of the Ombudsman dahil umano sa pinagkakitaan nito ang pagbebenta ng lupain at hindi tamang paggastos ng pondo.
Base sa reklamo na kumita umano si Singson ng P100 milyon mula sa pagbebenta ng 10 hektarya ng lupain na pag-aari ng bayan ng Narvacan.
Ayon kay Singson na ang nasabing transaksyon ay nagresulta pa nga sa kaniyang pagkalugi ng aabot sa P680 milyon bilang pagtulong niya sa munisipalidad.
Paliwanag nito na siya ang nag-ayos ng transaksyon at pinili niyang huwag agad na ilipat ang titulo para maiwasan ang isyu gaya ng double-selling.
Binatikos pa ng dating Gobernador si Cordero dahil ito ay first-cousin ng katunggali niya sa pulitika at tinalo pa nito sa pagka-alkalde sa Narvacan.
Ibinunyag pa nito na mayroon ng kasaysayan si Cordero na mangharass at makailang ulit na niya itong nabigyan ng pera para sa kaniyang ilang mga hiling.
Malinaw aniya na isang pagganti ang ginawa ni Atty. Cordero dahil sa hindi na nito napagbigyan ang huling hiling nito.