Nanawagan si Miss Universe 2018 Catriona Gray sa Miss Universe Organization (MUO) na magpatupad ng mas malinaw at transparent na judging process sa susunod na mga pageant nito, kasunod ng kontrobersiya at alegasyon ng dayaan sa pagkapanalo ni Fatima Bosch ng Mexico ngayong 2025.
Sa kanyang Instagram Broadcast Channel, sinabi ni Catriona na kailangang ibalik ng MUO ang tiwala ng pageant fans sa pamamagitan ng malinaw na criteria, scoring system, at pagkuha ng independent third-party tabulator.
Aniya, nakakadismaya ang mga ulat tungkol sa mga nag-resign na judges at umano’y kalituhan sa proseso ng judging system.
Gayunpaman, nalulungkot si Catriona sa online hate na natatanggap ni Bosch, at umaasang gagamitin ng bagong Miss Universe ang kanyang titulo para sa positibong adbokasiya.
Pinuri rin niya ang performance nina Ahtisa Manalo ng Pilipinas at Olivia Yacé ng Côte d’Ivoire sa Q&A, na itinuturing niyang pinakamalakas. Sinabi rin niya na “basic” ang final question at inaasahang handa dapat ang mga kandidata rito.
Dagdag ni Catriona, batay sa karanasan niya bilang judge, nagkakaiba-iba talaga ang “panlasa” ng mga hurado, ngunit nanindigan siyang transparency ang susi para maiwasan ang duda sa resulta ng kompetisyon.











