Inihayag ng DILG na ang isang car dealer at ang kanyang partner ang nasa likod ng pagpatay kay Police Senior Master Sergeant Diane Marie Mollenido at sa kanyang walong taong gulang na anak na si John Ysmael, na umano’y nag-ugat sa isang P450,000 na transaksyon sa pagbenta ng sasakyan.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, kabilang sa mga suspek ang kapatid ng partner ng car dealer at isa pang kasabwat.
Patuloy pa ring iniimbestigahan ang posibleng kinalaman ng mister ng biktima na si Police Senior Master Sergeant John Mollenido.
Magugunitang namatay si Diane matapos barilin sa ulo na natagpuan sa Bulacan habang ang anak naman nito ay nasawi dahil sa pagsakal na kalaunan ay nakita sa taniman ng Kalamansi sa Tarlac.
Samantala itinuturing nang case closed ang pagpatay sa mag-ina kasunod ng pagkaka-aresto ng apat na suspek na itinuturong nasa likod ng karumal-dumal na krimen.











