Naniniwala si Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste na mas malawak ang alam ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) undersecretary Maria Catalina Cabral ukol sa korapsyon na nangyayari sa flood control project kumpara sa iba pang mga opisyal ng ahensiya.
Kabilang dito sina dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo atbpang dating nagsilbing opisyal ng naturang ahensiya na una na ring tumetestigo sa magkakahiwalay na imbestigasyon tulad nina Engr. Henry Alcantara at Engr. Bryce Hernandez.
Kung sa national level, posible pa aniyang mas malawak ang kaalaman ni Cabral ukol sa nabunyag na iskandalo, kumpara sa nalalaman ni dating DPWH Secretary Bonoan.
Ginawa ng kongresista ang naturang pahayag, kasunod ng nauna niyang pag-amin na hawak niya ang mga maraming dokumento na dating ibinigay sa kaniya ni Cabral, ilang buwan na ang nakakalipas.
Naniniwala rin si Leviste na marami sanang masasabi si Cabral sa nagpapatuloy na imbestigasyon.
Aniya, ang mga ipinasakamay ni Cabral na bulto ng mga dokumento ay pawang naglalaman ng mabibigat na impormasyon.
Hawak na ito ni Cabral aniya, bago pa man madiskubre ang ilang mga mahahalagang computer ng DPWH na wala nang laman habang ang iba ay hindi na mapakinabangan, kasunod ng pagkakabunyag sa naturang iskandalo.
Kampante si Leviste na sa nilalaman pa lamang ng mga hawak na files ay maaari nang magsagawa ang Ombudsman at ang Independent Commission for Inrastructure (ICI) ng case build-up.











