-- ADVERTISEMENT --

Nagbabala ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa posibleng pagbagsak ng delikadong debris mula sa inilunsad na rocket ng China.

Nauna na kasing iniulat ng Philippine Space Agency (PhilSA) na inilunsad ng China ang Long March 8A rocket mula sa Hainan Commenrcial Launch Site sa Wenchang, Hainan kahapon, araw ng Miiyerkules, Hulyo 30.

Kaugnay nito, epektibo ang inisyung notice to airmen (NOTAM) ng CAAP sa Agosto a-4 mula alas-6:14 ng hapon hanggang alas-6:42 ng hapon. Sakop dito ang lugar na nasa 40 nautical miles (NM) mula sa timog-silangan ng Puerto Princesa Airport mula sa surface level hanggang sa unlimited altitude.

Inaabisuhan naman ng ahensiya ang mga airline at mga piloto na iwasan ang mga designated area na posibleng pagbagsakan ng rocket debris sa itinakdang oras at araw.

Ang mga itinalagang drop zones ay nasa 120 NM mula sa Puerto Princesa, Palawan at 42 NM mula sa Zamboanga City, Zamboanga Del Sur.

-- ADVERTISEMENT --

Pinapayuhan din ang publiko sakaling makita ang debris ng rocket na maaaring maanod at mapadpad sa mga karatig na baybayin ay ipagbigay-alam ito sa mga lokal na awtoridad at iwasang magkaroon ng direktang kontak dahil sa posibleng delikadong kemikal nito.