Kinumpirma ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na tatlong beses nang nagbuga ng abo ang Bulkang Kanlaon sa Negros Island ngayong araw ng Sabado, Oktubre 25.
Ito ay kasunod ng pagputok ng bulkan nitong gabi ng Biyernes, Oktubre 24.
Base sa time-lapse footage mula sa Kanlaon Volcano Observatory sa Canlaon City, nangyari ang ash emissions bandang alas-7:04 ng umaga, alas-8:26 ng umaga at alas-9:23 ng umaga.
Naglabas ito ng kulay abong plumes na pumalo hanggang 300 metro ang taas mula sa crater bago napadpad sa hilagang kanlurang direksiyon.
Nagkukumpirma naman ang aktibidad na ito nang nagpapatuloy na pa-alburuto ng bulkan sa loob ng summit crater.
Iniulat naman ng mga lokal na awtoridad na naranasan ang ashfall sa ilang lugar sa Negros Occidental kabilang na sa Bago City partikular sa mga Barangay Mailum, Ma-ao, Ilijan, Bacong at Abuanan, gayundin sa La Carlota City partikular na sa Barangay Ara-al at Sto. Guintubdan at sa Pontevedra partikular sa Barangay Zamora.
Iniulat din ng mga residente sa iba pang lugar sa Negros Oriental ang malakas na sulfurous fumes.











