Nilimitahan na ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa kalahating milyon ang halaga ng cash na maaaring mai-withdraw sa isahang transaksiyon.
Ito ay sa gitna ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa umano’y anomaliya sa flood control projects kung saan nabunyag na idinadaan ang umano’y “kickbacks” mula sa naturang mga proyekto sa mga bangko. Kamakailan naman ipinatupad ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang freeze order sa 135 bank accounts at 27 insurance policies.
Kaugnay nito, inatasan ni BSP Governor Eli Remolona Jr. ang mga financial institutions na pinangangasiwaan ng central bank para magpatupad ng enhanced due diligence (EDD) sa malalaking halaga ng cash payments at transactions.
Ginawa ng central bank ang naturang direktiba sa bisa ng inisyung Circular No. 1218, series of 2025 para mapigilang magamit ang mga pera sa iligal na gawain at maisulong ang integirdad ng sistema ng pananalapi.
Kayat ipinag-utos sa mga bangko at iba pang financial institutions na i-adopt ang kaukulang polisiya at procedures laban sa money laundering at counter terrorism para istriktong maipatupad ang limitasyon at restriksiyon sa transaksiyon ng cash.
Sakali man na lumagpas sa itinakdang threshold o limitasyon, ayon sa BSP, dapat itong isailalim sa kaukulang enhanced due diligence measures saka maaaring payagan ng financial institutions ang payout ng cash na mahigit sa kalahating milyon o katumbas nito sa foreign currency, sa kondisyon na makapagsumite ang customer ng karagdagang identification information o katibayan ng lehitimong layunin para sa negosyo o transaksiyon.
Maaari din aniyang isagawa ang withdrawals na lagpas sa threshold sa pamamagitan ng pagbabayad ng tseke, fund transfer, direct credit sa deposit accounts, o gamit ang digital payment platform ng financial institutions.
Kapag nabigo naman ang financial institution na makumpleto ang naturang procedure, o baka pangambang matunugan ito ng customer, dapat na maghain ito ng suspicious transaction report at masusing bantayan ang account at i-review ang business relationship.
Magiging epektibo ang naturang direktiba 15 araw matapos itong mailathala sa Official Gazette o pahayagan sa pangkalahatang sirkulasyon.